MANILA, Philippines — Galing umano sa isang lumubog na barko na dadalhin sa Australia ang daang kilo ng floating cocaine na narekober sa eastern seaboard ng karagatan ng bansa.
Sinabi ni PNP Chief P/Director General Oscar Albayalde, na nakikipagkoordinasyon na ang PNP sa kanilang counterpart sa Australia upang madetermina ang ‘signature’ ng nasabing mga cocaine na isasailalim sa DNA laboratory analysis.
Ikukumpara ito sa mga cocaine na ginagamit ng mga lulong sa droga sa bansang Australia.
Sinabi ni Albayalde na nagkainteres ang mga anti-narcotics official sa Australia dahil nakarekober din ang mga ito ng bricks o bloke ng mga cocaine sa Papua New Guinea sa pagitan ng Hunyo hanggang Setyembre ng nakalipas na taon.
“Ang possibility nito ay for delivery ito sa Australia. Isa iyon, that’s a big possibility. Kasi according to the Australian police, medyo maganda ang market value ng cocaine doon sa lugar nila,” wika ni Albayalde.
Sa rekord ng PNP, halos 200 bloke ng cocaine na nagkakahalaga ng P871.654 milyon ang narekober mula sa karagatan ng Siargao at Dinagat Islands sa Caraga Region, Davao Oriental, Quezon, Camarines Norte at Camarines Sur simula nitong Pebrero 10.
Naniniwala ang mga awtoridad na posibleng napinsala ang container na pinaglalagyan ng mga cocaine matapos na lumubog ang nasabing barko.
“So I don’t think we have a market for those kilos of cocaine which have been so far recovered,” anang PNP Chief na sinabing posibleng ginamit lamang na transshipment point ang karagatan ng Pilipinas. Ang barko ay galing sa Pacific Ocean.