MANILA, Philippines — Umarangkada na ang kampanya ni dating Bayan Muna Rep. Neri Colmenares para sa pagkasenador ngayong Martes.
Tanging pambato ng Kaliwa para sa 2019 senatorial race, nakisalo si Colmenares ng almusal kasama ang mga senior citizen ng barangay Old Balara, Quezon City alas-otso ng umaga.
Unang araw ng pangangampanya ni Senatorial candidate Neri Colmenares ng Bayan Muna PL unang pinuntahan ang mga Senior Citizens sa Brgy. Balara Q. C. pic.twitter.com/WIxx0Ge5Ly
— Corazon esguerra (@zony_corazon) February 12, 2019
"Maraming salamat sa ating mga senior citizens ng Balara Quezon City na sinaluhan tayo sa agahan para sa ating campaign kick-off. The best way to start our campaign is with the people," sabi ng paskil sa kanyang Facebook page kanina.
Nakasandig ang kanyang plataporma sa pagtataas ng sahod ng mga manggagawa, pagtatanggal ng excise tax, pagbabawal sa kontraktwalisasyon at pagbubuwag ng value-added tax sa kuryente, tubig at produktong petrolyo.
Ito na ang ikalawang pagtakbo ni Colmenares para sa Senado matapos matalo noong 2016 sa ilalim ng Partido Galing at Puso coalition ni Sen. Grace Poe.
Isang abogado, si Colmenares ang orihinal na sponsor ng panukalang magtataas ng Social Security System pension nang P2,000 para sa mga senior citizen.
Matatandaang kinastigo ng kanilang grupo ang pagpapaliban ng SSS sa dagdag na P1,000 pension na dapat nang binayaran ngayong taon.
Aniya, malaki raw ang maitutulong nito dahil sa pagtaas ng presyo ng bilihin bunsod ng Tax Reform for Acceleration and Inclusion Law.
Ayon kay SSS Vice President for Public Affairs and Special Events Division Louie Sebastian, susubukin nilang maipatupad ito sa 2020.
Aniya, nahihirapan ang kanilang ahensya at kinailangang ibalanse ang mga benepisyo sa kapasidad nilang na maibigay ito mula sa iba't ibang sources.
Maaalalang pinirmahan noon ni Pangulong Rodrigo Duterte ang pension increase ng SSS retirees, survivors at permanently disabled persons.
“The administration is imposing higher fuel taxes under TRAIN and yet the SSS is deferring the pension increase? It is insensitive and cruel of the SSS not to give its pensioners a relief they so desperately need,” ayon sa militanteng kandidato.
Kaugnay nito, pinangunahan ni Colmenares ang protesta ng sektor ng mga manggagawa alas-dos ng hapon kanina laban sa TRAIN.
1st day Senatorial campaign-Neri Colmenares forum sa@U. P. Kasama ang sektor ng mangagawa. Pinangunahan din ni Bayan Muna Chairman Neri Colmenares ang protest rally vs. TRAIN Law sa harap ng BIR office. pic.twitter.com/z8Pzt90lcH
— Corazon esguerra (@zony_corazon) February 12, 2019
Nakatanggap ng batikos mula sa iba't ibang sektor ang naturang batas matapos sumirit ang inflation rates noong 2018.
Bagama't bahagyang bumagal ang inflation sa 4.4 porsyento noong Enero 2019, umabot ito sa 6.7 noong Setyembre 2018 — pinakamataas sa loob ng siyam na taon.
Sa ilalim ng ikalawang tranche ng TRAIN, nagpataw ng panibagong P2.00 excise tax sa presyo ng petrolyo at P0.64 na VAT simula Enero 2019.
"Official campaign season starts with oil price hikes and government saying they can't do anything about it. That's just not true (Binulaga ng panibagong oil price hikes ang opisyal na pagsisimula ng panahon ng kampanya. Sabi ng gobyerno, wala tayong magagawa. Hindi 'yan totoo," paliwanag ni Colmenares kanina.