MANILA, Philippines — Tuloy pa rin ang trabaho ng mga kongresista kahit naka-break na ang sesyon at magiging abala na rin sa pangangampanya para sa May 2019 elections.
Ayon kay House Speaker Gloria Macapagal-Arroyo, magpapatuloy ang oversight committee hearings sa loob ng tatlong buwang campaign recess.
Ang nasabing oversight committee hearing ay pangungunahan umano ng mga kongresistang hindi tatakbo sa halalan at yung mga kumakandidatong walang kalaban.
Habang sa pagbabalik naman ng sesyon sa Mayo ay inaasahang ipapasa na rin ng Senado ang mga panukalang batas na lumusot na sa third and final reading sa Kamara para agad isalang sa bicameral conference committee at maratipikahan.
Ipinagmalaki rin ni Arroyo na natugunan lahat ng Mababang Kapulungan ang priority measures na binanggit ni Pangulong Duterte sa kanyang State of the Nation Address noong 2018.
Iginiit ng Speaker na pinatunayan lang nila sa mga botante na nagdodoble-kayod ang pinili nilang iluklok sa Kongreso noong 2016.