Check-up, diagnostic test hiling isama sa PhilHealth
MANILA, Philippines — Sapat ang pondo ng Philippine Health Insurance Corp. para masagot at mabayaran nito ang pagpapa-check-up at diagnostic (blood test) ng mga Pilipino.
Ito ang idiniin kahapon ni Anakalusugan partylist nominee Michael Defensor.
Ipinaliwanag ni Defensor na ang PhilHealth ay tumatakbong tulad ng insurance company kaya may mga miyembro nito na nakakatanggap ng mga kaukulang benepisyo habang ang iba ay wala.
Pinuna ni Defensor ang kabiguan ng PhilHealth na magbigay ng pantay na access sa medical services at procedures (preventive at curative) sa lahat ng mga Pilipino sa kabila ng katungkulan nito na magbigay ng insurance coverage sa mga namamasukan sa gobyerno o sa pribadong sektor, indigent, senior citizens at sponsored members.
“Ang PhilHealth ay merong P105 bilyong pondo. Sa ilalim ng Universal Health Care, tataas ang halagang ito sa P160 bilyon. Kung meron kang sakit, merong segurong gagarantiya sa ating bayarin- iyan ang papel ng PhilHealth. Pero ang mga diagnostic at check-up nito ay nakapokus lang kapag may malubha kang sakit o na-confined ka sa ospital. Ang adbokasya namin ay itulak na isama ang diagnostic test at check up bago ka pa man magkasakit,” sabi ni Defensor.
Dapat din anyang libre at sakop ng PhilHealth ang mga maintenance na gamot na makakatulong sa tatlong pangunahing dahilan ng kamatayan sa bansa, ito ay ang heart related-diseases at stroke, cancer at diabetes.
Noong Nobyembre 2018, ay nagkaroon ng kita ang PhilHealth ng P8 bilyon, pitong beses na mataas mula sa insurance agency’s na may P1 bilyon net noong 2017.
- Latest