MANILA, Philippines — Aminado si House Majority Leader Fredenil Castro na may suwestyong laanan ng P160 milyon ang kada district representative sa Kamara para makagawa ng kani-kanilang proyekto sa 2019 budget.
"There is a suggestion that each and every congressman be allocated P160 million," sabi ni Castro sa panayam sa "The Source" ng CNN Philippines nitong Lunes.
Paliwanag niya, hindi raw ito porma ng pork barrel.
"Assuming further that congressmen approve this proposal, it's not pork — because everything is itemized, everything is accounted for," dagdag niya.
Matatandaang idineklarang unconstitutional ng Korte Suprema ang Priority Development Assistance Funds o pork barrel noong ika-19 ng Nobyembre taong 2013.
Sa ilalim ng PDAF noon, hinahayaan ang mga mambabatas na magtukoy at maglaan ng pondo para sa mga proyekto.
Humarap ito noon sa kritisismo dahil sa mga maling paggamit ng pondo tulad ng sa PDAF scam.
Gayunpaman, sinabi ni Castro na nangangailangan pa naman daw itong aprubahan ng bicameral conference committee.
Maaari pa naman daw itong maging mas malaki o mas maliit sa P160 milyon.
Isiniwalat ito sa Twitter ni Sen. Panfilo Lacson noong Huwebes at sinabing makatatangap diumano ng P23 bilyon ang ilang senador mula sa mga proyekto ng Department of Public Works and Highways.
160M pork for each congressman, and billions more for a few others plus 23B for some senators on the DPWH budget alone is too much and unacceptable. I may be outvoted eventually but I’m willing to go down fighting, confident that some like-minded colleagues will do the same.
— PING LACSON (@iampinglacson) January 31, 2019
Bwelta ni Castro, hindi malinis si Lacson dahil nagpasok daw siya ng sariling ammendments sa panukalang 2019 budget para sa Armed Forces of the Philippines at Philippine National Police nang hindi idinedetalye kung saan ito napunta.
Aniya, nilalabag daw ni Lacson ang transparency at accountability sa General Appropriations Act dahil hindi niya in-itemize ang mga karagdagang pondo.
2019 budget maipapasa ba?
Samantala, dalawang araw na lang ang nalalabi bago mag-break ang Kongreso para sa national and local elections sa Mayo.
Dahil dito, saglit na lamang ang natitirang panahon para maipasa ang 2019 budget.
Kakailanganin pang pag-isahin ng Kamara at Senado ang pagkakaiba ng kani-kanilang mga bersyon bago malagdaan ng Pangulong Rodrigo Duterte.
Gayunpaman, umaasa si Castro na maipapasa ito. Maaari pa rin naman daw magkaroon ng espesyal na sesyon ang Kongreso para matalakay at maratipika ang panukala.
Nauna nang nagbabala ang Commission on Elections na maaaring hindi mabayaran ang mga guro't election workers kung hindi maipapasa ang 2019 budget.
Kasalukuyang tumatakbo sa re-enacted budget ang pamahalaan matapos hindi maipasa ang pondo noong Disyembre 2018. – James Relativo