US Embassy seal sinabuyan ng pintura sa anibersaryo ng PH-US War

Kuha sa US Embassy kaninang umaga.
Facebook/League of Filipino Students

MANILA, Philippines — Binato ng paintbomb ng mga militanteng kabataan at manggagawa ng Sumifru ang selyo ng United States Embassy Lunes ng madaling araw.

Ayon sa grupong League of Filipino Students, ginawa nila ito dahil sa diumano'y papatinding military "intervention" ng Estados Unidos sa Pilipinas at mga ibang bayan. Nangyari ito kasabay ng ika-120 anibersaryo ng Philippine-American war.

“There may be friendship between the US and the country’s ruling class but not with the Filipino toiling masses. The US is causing exhaustive exploitation not only to the country’s rich resources but also to the Filipino people,” ani Kara Lenina Taggaoa, tagapagsalita ng LFS.

(Maaaring may pakikipagkaibigan sa pagitan ng Amerika at mga lokal na naghaharing uri ngunit hindi sa Pilipinong anakpawis. Pinagsasamantalahan ng US hindi lang ang likas yaman ng bansa ngunit pati ang mamamayan.)

Ayon kay Taggaoa, lumawak pa diumano ang pakikielam ng US sa Pilipinas. Mula sa 258 na US military excercises noong 2017, aakyat daw ito sa 281 ngayong 2019.

"Shame on Duterte for obviously being afraid of his imperialist masters. He should be warned because the youth is not even afraid of him and his imperialist bosses," dagdag niya.

(Kahiya-hiya ang pagiging bahag ng buntot ni Duterte sa kanyang mga imperyalistang panginoon. Binabalaan namin siya dahil hindi takot sa kanya at kanyang mga bosing ang kabataan.)

Ayon sa LFS, ginamit daw ang "kahina-hinalang" Marawi siege para itatag ang Operation Pacific Eagle-Philippines, isang programa sa ilalim ng overeas contingency operations ng US.

Dinagdagan aniya nito ng 200 hanggang 300 ang tropang Amerikanong itatalaga sa Pilipinas.

Matatandaan na isa sa mga naging plataporma ng Pangulong Rodrigo Duterte ang pagtataguyod ng "independent foreign policy," isang stratehiya sa foreign relations na nagbibigay prayoridad dapat sa kapakanan ng bansa.

“The mere presence of military troops and bases in the country exposes the country’s fraud independent foreign policy. This 2019, the Filipino people will strike a strong attack on Duterte’s militaristic and fascist rule to frustrate our outright puppetry to the United States."

(Inilalantad ng pagkakaroon ng dayuhang tropa sa bansa ang pagiging huwad ng kanyang independent foreign policy. Ngayong 2019, maglulunsad ng matinding atake ang mamamayang Pilipino laban sa militaristiko at pasistang pamumuno ni Duterte para biguin ang pagiging pagka-papet sa Estados Unidos.)

Hindi lang sa Pilipinas

Wika ni Taggaoa, hindi lang ang Pilipinas ang tuwirang pinakikialaman ng US ngayon.

Sa kanilang pahayag sa Facebook, sinabi ng LFS na nanghihimasok ngayon ang Amerika sa domestic affairs ng mga ibang bansa dahil sa interes sa langis at iba pang natural resources.

“Across the globe, more and more nations are rising up against US-imposed military plunder and terror and are fighting for genuine independence and democracy.”

(Sa buong mundo, dumarami at dumarami ang mga bayang tumitindig laban sa ipinatutupad na pandarambong at pananakot sa tunay na kalayaan at demokrasya.)

Matatandaang nagpahayag ng suporta si US President Donald Trump sa self-proclaimed interim president ng Venezuela na si Juan Guaidó, kontra sa pamumuno ng left-wing president na si Nicolás Maduro.

Sa Tweet ng netizen na ito, makikita ang paglipad ng mga diumano'y tropa ng US malapit sa border ng Venezuela.

Kinikilala ang Venezuela bilang may pinakamalaking oil reserves sa buong mundo, na may 297 bilyong bariles noong 2014 ayon sa British Petroleum Company.

Show comments