'Duterte nasa likod ng pag-atake sa alternative media'

Sa isang pag-atake, gumamit ng higit 2,000 computer para babaran ang website na Bulatlat para maging "unreachable."
The STAR/KJ Rosales, File photo

MANILA, Philippines — Muling nakaranas ng mga distributed denial of service attacks ang alternative online news organization na Bulatlat, na sa tingin nila ay koordinadong atake para mapatahimik ang kritikal na pamamahayag.

Dahil dito ay ilang araw hindi ma-pasok ang kanilang website. Nagsimula ito mula ika-19 hanggang ika-31 ng Enero.

Sa isang pag-atake, gumamit ng higit 2,000 computer para babaran ang website at maging "unreachable." Umabot din sa 3 milyong packets kada segundo ng bogus traffic ang ipinadala ng attackers.

"The Duterte administration is known for being ruthless in violating human rights. It has deliberately launched a campaign to undermine the Philippine media in its effort to prevent people from opposing his policies," ani Ronalyn Olea, managing editor ng Bulatlat.

(Kilala ang administrasyong Duterte sa pagiging malupit sa paglabag sa karapatang pantao. Sinasadya nitong maglunsad ng kampanya para pahinain ang Philippine media upang mapigilan ang pagtutol sa kanyang mga polisiya.)

Dahil sa tindi ng pagsusumikap mawala online ang site ng halos isang linggo, humingi na ng tulong ang Bulatlat mula sa Rapid Response serive ng Qurium noong ika-25 ng Enero, Biyernes.

Inilipat ang website sa secure hosting infrastructure ng Virtualroad.org makalipas ang ilang oras.

Ang Virtualroad.org ay isang non-profit hosting provider na nagpapakadalubhasa sa pagtatanggol sa independent media at human rights laban sa mga atake sa cyberspace.

Sa kasalukuyan, nakabalik na sa pagbabalita ang site. Gayunpaman, wala pa ring umaako o nagpapaliwanag kung bakit sila pinupuntirya.

Isa lang ang paliwanag dito ni Olea: ang kanilang matapang at kritikal na pagbabalita.

"Since its establishment in 2001, Bulatlat has been critical in its reportage and has exposed not only the human rights violations related to Duterte’s 'war on drugs' but also those committed by state security forces in rural areas," banggit niya.

(Simula nang itatag ito noong 2001, naging kritikal ang Bulatlat sa kanyang pagbabalita at naglantad, hindi lang ng human rights violations sa ilalim ng "war on drugs" ni Duterte, ngunit pati ng mga karahasang ipinalalaganap ng estado sa kanayunan.)

Nanindigan si Olea na malaki ang naging papel ng kanilang pamamahayag sa paglalantad sa pagiging "sunud-sunuran" ni Digong sa mga neoliberal na polisiyang dumudurog aniya sa ekonomiya.

Matatandaan na isinama ang Bulatlat sa mga tinawag na "enemies of the state" ng pamahalaan noong panunungkulan ng dating pangulong Gloria Macapagal-Arroyo. Siya na ang House speaker sa ngayon.

Nakaranas din ng kaparehong DDoS attack ang Bulatlat, kasama ng Kodao Productions, at Pinoyweekly noong ika-26 ng Disyembre 2018. Kasabay ito sa ika-50 anibersaryo ng Communist Party of the Philippines.

Isiniwalat din ni Olea na nakararanas na rin ng pagmamanman ang kanilang mga writer.

“Our reporters are being tailed after publishing controversial stories," banggit niya.

(Sinusundan ang aming mga mamamahayag matapos maglathalat ng mga kontrobersyal na balita.)

Makikita ang kabuuang chronology at detalye ng mga pag-atake sa site dito.

Bukas si Duterte sa kanyang kritisismo at pakikipagbuno sa iba't ibang news organizations. Ilan sa mga tanyag niyang tirada sa media ay patungkol sa news outfits gaya ng Inquirer, Rappler at ABS-CBN..

Show comments