MANILA, Philippines — Inako kahapon ng Islamic State of Iraq (ISIS) ang dalawang insidente ng pambobomba sa Jolo Cathedral kamakalawa na kumitil ng buhay ng 20 katao habang 112 pa ang nasugatan.
Base sa ipinoste sa website ng Site Intelligence Group na nagmomonitor sa aktibidad ng mga terror groups sa buong mundo, inamin ng Islamic State East Asia Province na dalawa sa kanilang miyembro ang nasa likod ng suicide bombing, isa sa loob ng Mt. Carmel Church at isa pa sa parking area.
Sa panig naman ni AFP Spokesman Brig. Gen. Edgard Arevalo, sinabi nito na bahagi lamang ng propaganda ng ISIS ang pag-ako sa madugong insidente.
Ipinahiwatig pa ni Arevalo na dati nang ginagawa ng ISIS ang ganitong propaganda na nagkukunwaring ang mga ito ang may kagagawan ng ilang insidente tulad ng sa nangyari noon sa Resort World.