MANILA, Philippines — Apat na taon matapos ang “Mamasapano massacre” ay naging mailap pa rin ang hustisya para sa pamilya ng nasawing 44 elite troops ng PNP-Special Action Force (SAF).
Dahil dito kaya kinalampag ng Malacañang ang Office of the Ombudsman na resolbahin na agad ang kaso at papanagutin ang mga responsable sa nabanggit na karumal-dumal na krimen.
Sinabi ni Presidential Spokesman Salvador Panelo, naghahanap na ng katarungan ang buong sambayanan para sa mga naging biktima ng madugong Mamasapano incident.
Ayon kay Panelo, hindi sapat ang mga pagkilalang ibinigay sa katapangan ng mga pulis na nasawi sa malagim na insidente at dapat na maibigay sa mga ito ang hustisya gayundin sa mga naiwang pamilya ng tinaguriang SAF 44.
“Even as we continue to pray for the eternal repose of the souls of these gallant heroes who were recipients posthumously of the PNP Medal of Valor (Medalya ng Kagitingan) and as we share in the grief of their bereaved families, we urge the Office of the Ombudsman to resolve with dispatch the case filed against those who recklessly placed them in mortal peril,” sabi ni Panelo.
Kabilang sa nakasuhan kaugnay ng Mamasapano incident ay sina dating Pangulong Noynoy Aquino, dating PNP chief Alan Purisima at dating SAF director Getulio Napeñas.
Samantala, aalamin naman ng Palasyo ang reklamo ng mga kaanak ng SAF 44 na hindi pa nila natatanggap ang kabuuang financial assistance na ipinangako ng gobyerno sa kanila.
Magugunita na Enero 25, 2015 ng maglunsad ng Oplan Exodus ang SAF at nilusob ang kuta ng international terrorist na si Sulkifli bin Hir alyas Marwan na may patong na $5 million sa Bgy. Tukanalipao, Mamasapano, Maguindanao.
Matagumpay na naisagawa ng SAF ang kanilang misyon na mapatay si Marwan subalit hindi na sila nakalabas ng buhay mula sa kuta nito dahil pinaulanan na sila ng bala ng mga tumulong magtago kay Marwan hanggang sa mapaslang ang 44 SAF troopers.
Kinilala ni Pangulong Duterte ang katapangan at kabayanihan ng SAF 44 na nag-alay ng kanilang buhay kaya nilagdaan nito ang Proclamation 164 noong 2017 na nagdedeklara na ang Enero 25 ay “Day of National Remembrance” para sa SAF 44.
“I ask all our countrymen to remember the heroism of the SAF 44 and recall the daily sacrifices of our uniformed personnel for the sake of the continued peace and security of our nation,” nakasaad pa sa Proclamation 164 ni Pangulong Duterte.