MANILA, Philippines — Bagama't 39,027 ang kabuuang bilang ng mga bumoto, nakapagtala ng 36,682 botong "yes" habang nakakuha naman ng 24,994 ang "no," na aabot sa 61,676.
Dahil sa diperensya, iniutos na ng National Plebiscite Board of Canvassers kahapon na muling bilangin ang boto para sa Cotabato City para sa plebisito ng Bangsamoro Organic Law.
Muling nagreconvene ang pitong miyembro ng Commission on Elections bilang NPBOC para i-canvass ang resulta ng BOL plebiscite.
“The certificate of canvass will be referred to the tabulation committee to undergo reaudit to ensure correction,” sabi ni Comelec Chairman Sheriff Abas.
(Isasangguni sa tabulation committee ang certificate of canvass para isailalim sa reaudit para masigurong maayos ito.)
Itinala ni Commissioner Luie Tito Guia ang mga discrepancy sa figures habang iprine-prisenta ang certificate of canvass sa NPBOC.
Nakita ni Guia na 39,027 lang ang naitalang boto sa COC.
“(But) based on the COC, ‘yes’ obtained a total of 36,682 while ‘no’ got 24,994, the total of which is more than the recorded 39,027,” sabi ni Guia.
(Pero base sa COC, nakakuha ng 36,82 ang "yes" habang 24,994 ang "no," na mas marami pa kaysa sa 39,027.)
Kwinestyon din ni Comelec Commissioner Rowena Guanzon ang discrepancy sa pagitan ng kabuuang bilang ng boto sa COC at statement ng votes.
Ang kabuuang bilang sa statement of votes ay 22,507 kumpara sa 24,994 sa COC.
Ipinatawag ng board si acting Cotabato City election officer Rommel Rama para pagpaliwanagin sa nangyari.
Ayon kay Rama, bigong itala ng Plebiscite Committee ang kabuuang bilang ng nakarehistrong botante at bilang ng botante na bumoto.
Aniya, nagkamali ang Plebcom at inangkop na lang daw ng City Board of Canvassers ang figures ng committee.
Para maayos ito, ibinigay na ng NPBOC ang COC at iba pang dokumento sa Tabulation Committee para sa "recheck."
“Tabulators will have to verify (the figures) and the Commission will decide,”
sabi ni Guanzon.
(Kailangang patotohanan ng tabulators ang figures at ang Commission na ang magdedesisyon.)
Itinutulak ngayon ni Cotabato City Mayor Cynthia Guiani-Sayadi na maulit ang plebisito, matapos sabihing may nangyaring panloloko, pananakot ng botante, at iba png anomalya.
Ipro-protesta raw nina Sayadi ang kalalabasan ng plebisito sa Comelec. Sinabi niya na may mga kaso ng harassment laban sa mga tutol sa BOL at ilang pagtatangka ng flying voters na lumahok sa ilang presinto.
“We have enough evidence to prove that. We will initiate appropriate actions. I challenge the Comelec to conduct another plebiscite on Feb. 6 to enable voters here to exercise their right of suffrage safely and freely,” sabi ni Sayadi.
(Meron kaming sapat na ebidensya para patunayan 'yon. Magpapatupad kami ng mga angkop na hakbang. Hinahamon ko ang Comelec na magsagawa ng panibagong plebisito sa ika-6 ng Pebrero para makaboto nang malaya ang tao.)
Magpapatupad ng ikalawang plebisito ang Comelec sa ika-6 ngh Pebrero sa ilang bayan sa Lanao del Norte sa Region 10 at sa North Cotabato sa Region 12 para malayo kung pabor ang mga residente sa mapasama sa pinalaking Bangsamoro region.
Kasalukuyang nasa Cotabato City ang punong himpilan ng Autonomous Region in Muslim Mindanao (ARMM).
Turnout ng botante
Nakapagtala ng 85.13 porsyento botante sa katatapos lang na plebisito para sa ratipikasyon ng BOL.
Umaot ng 1,844,873 o 85.13 porsyento ng 2.1 milyong rehistradong botante ng ARMM ang lumahok para bumoto.
Ayon sa datos ng Comelec, nakakuha ng pinakamataas na voter turnout ang Maguindanao na may 93.35 porsyento na sinundan ng Lanao del Sur sa 92.56 porsyento at Basilan na may 81.98 na porsyento.
Nakapagtala naman ng 61,676 botante o 54.22 porsyentong turnout ang Cotabato City. Isasailalim sa audit ang COC ng lungsod dahil sa mga discrepancy sa aktwal na bilang ng mga bumoto kumpara sa botong naitala.
Pangulo natuwa
Matapos ang retabulation ng resulta mula Cotabato City, sinuspinde na ng NPBOC ang canvassing. Magre-reconvene namang muli ang board ngayong araw.
Ilang minuto matapos ang suspensyon, dumating sa main office ng Comelec sa Intramuros, Maynila ang COCs mula Isabela City at probinsya ng Basilan.
Sa inisyal na resulta, pinaboran ng mga botante mula sa probinsya ng Maguindanao, Lanao del Sur, at Basilan ang ratipikasyon ng BOL.
Maliban sa resulta sa Cotabato City, na kwinekwestyon ngayon, tinanggihan ng Sulu ang BOL na may 163,526 "no" votes kontra sa 137,630 "yes" votes.
Umayaw rin ang Isabela City, Basilan na mapasama sa Bangsamoro region na may 22,441 no votes laban sa 19,032 na yes.
bagama't may mga hindi pumabor, ikinatuwa naman ni Pangulong Rodrigo Duterte ang resulta.
“Yes, I am very happy, we are a step nearer to a peaceful Mindanao but then we have to refocus again on the Western side (of Mindanao) because Misuari must also have something there,” sabi ni Digong sa panayam sa Pasay City noong Miyerkules.
(Oo, masayang-masaya ako. Lumalapit na tayo sa mas mapayapang Mindanao ngunit kailangan nating pagtuunan ng pansin ang kanlurang bahagi ng Mindanao dahil baka may niluluto si Misuari doon.)
Tinutukoy ni Duterte si Nur Misuri, founding chairperson ng Moro National Liberation Front na tutol sa BOL.
Tutol ang MNLF leader sa posibleng pagsama ng kanilang lugar sa mga teritoryong isasama sa pinalawak na Bangsamoro region na pamumunuan ng karibal na MILF.
Napansin ni Duterte na tutol ang Sulu sa na maisama sa Bangsamoro region.
“So, that’s something I have to take into account, otherwise, it showed their sentiment against it … especially among Moro people,” sabi niya.
(Isang bagay 'yan na dapat kong isang-alangalang, dahil ipinakita nito na ayaw nila.)
“Now, I have to shift my attention or focus to Misuari. It’s because the MNLF are in the regions of Sulu, Jolo, Zamboanga. They were there in the first place,” dagdag niya.
(Ngayon, kailangan kong pagtuunan ng pansin si Misurari. Ang MNLF kasi ay nasa Sulu, Jolo, at Zamboanga. Noon pa'y naroon na sila.)