MANILA, Philippines – Dumating na kahapon ang tatlong barkong pandigma ng People’s Liberation Army (PLA) Navy ng China para sa apat na araw na ‘goodwill visit” sa bansa.
Ayon kay Philippine Navy Captain Jonathan Zata, ang pagbisita ng mga warship ng China ay naglalayong mapatatag pa ang ugnayang militar ng Pilipinas at ng nasabing bansa.
Bandang alas-10 ng umaga ng dumaong ang tatlong warship sa Pier 15 ng Manila South Harbor na mananatili sa bansa hanggang Enero 21, 2019.
Ang tatlong barko na bahagi ng Chinese Naval Task Group ay kinabibilangan ng Type -054A guided missle frigates Wu Hu (Hull 539), Han Dan (Hull 579) at Replenishment Ship Dong Ping Hu (Hull 960).
Ito ang ikalawang pagbisita ng PLA Navy kung saan ang una ay noong Abril 30, 2017 sa Sasa Wharf sa Davao City.