NPC: Tapusin ang passport probe sa loob ng 5 araw

Inaabangan na rin daw ni Liboro ang fact-finding meeting sa Lunes na lalahukan ng mga representante ng DFA at Asia Productivity Organization (APO).
The STAR/Boy Santos

MANILA, Philippines — Binigyan ng limang araw ng National Privacy Commission ang Department of Foreign Affairs para tapusin ang kanilang imbestigasyon sa gusot sa mga pasaporte.

Sinabi ni NPC Commissioner Raymund Liboro na naging mabilis ang inisyal na pagpupulong nila.

“Gumugulong pa rin ang imbestigasyon ng NPC. Sa sarili nitong preliminary probe, sinabi ng DFA na kontrolado na nila ang mga datos. Malaki na ang magagawa nito para mapakalma ang publiko. Hindi kontrolado ng unauthorized parties ang tinutukoy nating data. 'Yun ang napatunayan ngayong araw sa meeting ng DFA. Nasa pangangalaga na nila ang data," sabi ni Liboro sa Ingles.

Isiniwalat kamakailan ni Foreign Affairs Secretary Teodoro Locsin Jr. na itinakas ng French contractor na Francois-Charles Oberthur Fiduciare ang mga datos ng passport holders.

Inaabangan na rin daw ni Liboro ang fact-finding meeting sa Lunes na lalahukan ng mga representante ng DFA at APO Production Unit.

"Malayo ang mararating ng mga aral na makukuha natin mula sa insidenteng ito para mapahusay ang government practices. Magiging bahagi ito ng rekomendasyon na gagamitin ng NPC sa government offices na magco-contract ng third party," sabi niya.

Naghahanap na rin daw ng mga paraan ang NPC  para lalong maprotektahan ang mga personal na datos.

"Hinihingi ng batas sa mga data controllers tulad ng DFA na magpatupad ng mga pamamaraan para maprotektahan ang datos sa tuwing may kasunduan sa third parties at government contractors. Umaasa kami na mapapabuti pa ito base sa mga natutunan natin dito," ani Liboro.

Sa letter-request na ipinadala ng NPC noong Martes, sinabi ni DFA data protection officer Menardo Macaraig na walang "data breach" dahil nasa APO pa rin ang mga datos. Ang APO ay isang government-owned and controlled corporation at recognized government printer. 

Dahil dito, tinanggihan ni Speaker Gloria Macapagal-Arroyo (Pampanga) kahapon ang panawagan ng Makabayan bloc na imbestigahan ng Kamara ang passport incident sa DFA.

"Hindi trabaho ng Kamara ang imbestigasyon – inquiry at hindi imbestigasyon. At dapat makatulong ang mga inquiry sa pagpapasa ng batas. At anong batas naman ang maipapasok natin sa loob ng ilang buwan?" sabi ni Arroyo sa mga reporter.

Samantala, ikinatuwa naman ng recruitment at migration sectors ang desisyon ng DFA na tanggalin ang pagkakailangan sa birth certificate para sa pagre-renew ng pasaporte.

Show comments