NUJP: Gobyerno nasa likod ng 'red-tagging' sa journos

Ayon sa grupo, nasiguro nila ito matapos ilabas ng Philippine News Agency ang artikulong "Red link tag on NUJP not 'orchestrated': ex-rebels" nang hindi kinukuha ang kanilang panig.
The STAR/Kriz John Rosales, File

MANILA, Philippines — Gobyerno ang nasa likod ng pag-uugnay ng National Union of Journalists of the Philippines sa mga komunista, 'yan ang pahayag ang NUJP tungkol sa diumano'y "red-tagging" sa kanilang grupo.

Ayon sa grupo, nasiguro nila ito matapos ilabas ng Philippine News Agency ang artikulong "Red link tag on NUJP not 'orchestrated': ex-rebels" nang hindi kinukuha ang kanilang panig. Ang PNA ay isang news outfit na pinatatakbo ng gobyerno.

"Ginaya lang ng artikulo ng PNA ang estilo ng kasinungalingang inilabas sa mga tabloid, at ipinanipi ang gawa-gawang kwento ng diumano'y dating rebelde at 'NUJP founder' na pinangalanang 'Ka Ernesto' nang hindi kinukuha ang palagay namin," sabi ng NUJP sa Ingles sa kanilang Facebook page.

Maaalalang inilabas sa samu't saring tabloid noong ika-7 ng Enero ang istorya tungkol sa isang "Ka Ernesto" na nag-uugnay sa NUJP sa Communist Party of the Philippines.

Inilathala sa nasabing artikulo ang pahayag ng Kilusan at Alyansa ng mga Dating Rebelde (KADRE), na diumano'y grupo ng mga dating komunista. Paliwanag nila, hindi raw ito bahagi ng planadong operasyon para patahimikin ang mga peryodista.

"Ang gusto po namin ay malinaw na sagot kung totoo bang legal front ng CPP-NPA-NDF ang NUJP," giit ng KADRE.

Binalaan din nila ang mga miyembro ng NUJP tungkol sa totoong layunin ng grupo.

"Dapat din siguro na tingnan mabuti ng mga ordinaryong miyembro nito (NUJP) kung katotohanan nga ba ang tinatahak ng kanilang pamunuan o baka naman may iba silang political agenda na pabagsakin ang gobyerno at estado at iluklok ang isang marahas na lipunan." 

Pinabulaanan naman ng NUJP ang mga paratang na hinaharangan ng kanilang mga miyembro ang pagsisiwalat ng katotohanan ng KADRE.

"Paano namin 'yun haharangin kung nagulat na lang yung mga opisyal namin noong kinukunan na kami ng reaksyon ng mga community outfits noong umaga ng January 7 tungkol kay Ka Ernesto," dagdag ng NUJP.

Ayon sa mga journo, hindi magtatagumpay ang paninirang puri sa kanila lalo na't iba't iba ang pananaw sa pulitika ng kanilang miyembro. Pinagbubuklod lang daw sila ng pagtatanggol sa malayang pamamahayag.

"Yung pagpayag pa lang ng ahensya, na nasa ilalim ng pangangasiwa ng Presidential Communications Operations Office, na mailabas ang malisyoso at maling kwentong ito, makikita mo nang may planadong kampanya para siraan at patahimikin hindi lang ang NUJP kung hindi ang malaya at kritikal na media, at sangkot diyan ang gobyerno ng Pilipinas," kanilang pahayag.

Itinaggi naman ito ng Palasyo at sinabing walang kinalaman ang pamahalaan dito.

"Siguro praning lang sila. Walang ganyan. Hindi 'yan ginagawa ng PCOO. Hindi rin 'yan ginagawa ng PNP (Philippine National Police)," wika ni presidential spokesperson Salvador Panelo.

Show comments