MANILA, Philippines — Patay ang dating alkalde ng Parang, Maguindanao na si Talib Abo Sr. at kanyang kapatid sa magkahiwalay na anti-drug operations sa Cotabato City umaga ng Biyernes.
Ayon sa tagapagsalita ng Police Regional Office-12 (PRO-12) na si Supt. Aldrin Gonzales, nasawi sa tama ng bala ang dating alkalde nang maka-engkwentro ng mga otoridad na maghahain sana ng search warrant.
Napilitan daw ang raiding team na tuluyan si Abo nang tumangging makipagtulungan at kumuha ng baril ani Gonzales.
Sinalakay din ng PRO-12 ang bahay ng anak na babae ni Abo na si Bai Amelia, kasalukuyang konsehal ng Parang, at isang Amy, na ngayo'y hawak na ng pulisiya.
Pinakawalan naman si Bai Amelia dahil sa kakulangan ng ebidensya.
Patay din ang ang kapatid niyang si Disomimba Abo sa isa pang operasyon.
Dati nang nadakip ng Philippine Drug Enforcement Agency sa Autonomous Region in Muslim Mindanao (PDEA-ARMM) si Disomimba, noong 2017 kaugnay ng iligal na droga. Tumakbo rin siya bilang board member noong 2013 sa probinsya ng Maguindanao ngunit natalo.
Hawak na rin ng PDEA-ARMM ang mga nakuhang sachet ng shabu at mga baril sa raid.
Dagdag ni Gonzales, matagal na raw minamanmanan ang pamilya ni Abo dahil sa pagpapakalat ng droga.
Itinanggi naman ng pamilya ng mga napatay ang mga alegasyon.