Cynthia Villar nanguna sa SWS senatorial survey
MANILA, Philippines — Numero uno sa listahan ng mga tatakbo sa pagka-senador si Sen. Cynthia Villar limang buwan bago ang halalan sa bagong pag-aaral ng Social Weather Stations (SWS).
Nakakuha si Villar ng 62 porsyentong voter preference, na katumbas ng 37 milyong botante. Pumapangalawa naman si Sen. Grace Poe, na pinili ng 60 botante na maihahalintulad sa 36.4 milyong boto.
Pare-pareho namang nakakuha ng 40 porsyento sina Taguig Rep. Pia Cayetano, Sen. Sonny Angara at Sen. Nancy Binay na nasa ikatlo, ika-apat at ika-limang pwesto.
Lumapag naman sa ika-anim na pwesto ang "Ang Probinsyano" star at dating senador na si Lito Lapid na nakakuha ng 38 porsyentong voter preference habang sina Sen. Aquilino Pimentel III at dating senador Jinggoy Estrada ay naghahati sa ika-walo at ika-siyam na pwesto, na pawang may 34 porsyento.
Nakapasok naman ang dating kalihim ng Department of the Interior and Local Government na si Mar Roxas ang ika-10 pwesto na may 28 porsyento na sinundan ni Ilocos Norte Imee Marcos na may 27 porsyento.
Pasok naman sa top 12 ang anak ng dating presidente na si Sen. Joseph Victor "JV" Ejercito nakakuha ng 27 porsyento.
Sa ika-13 at ika-14 naman ay dating senador na si Serge Osmeña at Sen. Paolo Benigno "Bam" Aquino IV.
Naghahati naman dating special assistant ng Pangulong Rodrigo Duterte na si Christopher "Bong" Go at dating Bureau of Corrections head na si Ronald dela Rosa sa ika-14 hanggang ika-15 na pwesto.
Nasa ika-17 hanggang ika-18 naman ang dating presidential political affairs adviser at dating chairman ng Metro Manila Development Authority Francis Tolentino at dating senate president Juan Ponce Enrile na may 16 porsyento.
Ilan pa sa mga senatoriables na nakakuha ng single-digit preferences ay ang dating kolumnista ng STAR na si "Doc Willie" Ong, mang-aawit na si Freddie Aguilar, dating tagapagsalita ng pangulo na si Harry Roque, dating broadcaster na si Jiggy Manicad, dating Bayan Muna Rep. Neri Colmenares, Melchor Chavez, Dado Padilla, Maguindanao Rep. Zajib Mangudadatu, Lemy Roxas, Larry Gadon, Samira Gutoc, Jose Manuel "Chel" Diokno at dating Interior chief na si Rafael Alunan.
Isinagawa ng SWS ang survey mula ika-16 hanggang ika-19 ng Disyembre sa pamamagitan ng harapang panayam sa 1,500 katao na may margin of error na ± 3 porsyento.
- Latest