Mga eskuwelahan tatanggalan ng permit
Kapag bigo sa anti-bullying
MANILA, Philippines — Idiniin kahapon ng Department of Education na maaaring matanggalan ng permit to operate ang mga pribadong eskuwelahan na mabibigong sumunod sa mga probisyon ng anti-bullying law.
Sinabi ni DepEd Undersecretary Annalyn Sevilla na ang kalihim, sa pamamagitan ng mga regional director, ay maaaring magsupinde o magpawalambisa sa permit o recognition ng isang pribadong eskuwelahan na hindi nakasunod sa mga probisyon ng Republic Act 10627 o Anti-Bullying Act of 2013.
Batay sa naturang batas at sa sarili nitong child protection policy, sinabi ng DepEd na ang mga bullying prevention program sa mga eskuwelahan ay kailangang komprehensibo at sangkot ang lahat ng education stakeholder at personnel.
“Ang mga eskuwelahan ay dapat gumawa ng intervention strategies tulad ng counseling, life skills training, education at iba pang mga aktibidad na magpapaibayo sa psychological, emotional at psycho-social being ng mga biktima, bullies, at iba pang parties na maaaring maapektuhan ng insidente ng bullying,” dagdag pa ng DepEd.
Nanawagan ang ahensiya sa lahat ng eskuwelahan na tiyakin ang ganap na pagpapatupad ng anti-bullying act dahil na rin sa insidente kamakailan na kinasangkutan ng mga estudyante ng Ateneo junior high school.
- Latest