MANILA, Philippines — Target ng prosekusyon na tapusin hanggang Disyembre ngayong taon ang presentasyon ng ebidensya laban sa lahat ng mga akusado sa kaso ng Maguindanao massacre na hawak ngayon ng mga otoridad.
Ginawa ni Department of Justice (DOJ) Secretary Menardo Guevarra ang pahayag ngayong ika-siyam na anibersaryo ng malagim na trahedya kung saan 58 katao ang namatay kabilang na ang higit 30 mamamahayag.
Ayon kay Guevarra, nakikiisa sila sa mga pamilya ng mga biktima sa Maguindanao massacre.
Aniya, umaasa sila na sa susunod na taon ay maibababa na ng korte ang hatol sa mga nakakulong na akusado nang sa gayon ay makatikim na ng hustisya ang mga biktima at ang naulila nilang pamilya.
Aabot sa 197 ang bilang ng mga akusado sa nasabing krimen at halos 70 sa kanila ay pinaghahanap pa ng mga otoridad.
Nasa halos 300 testigo naman ang naiprisinta na sa korte ng kampo ng prosekusyon at depensa.
Nauna nang pinayagan ng Korte Suprema ang partial promulgation sa kaso kung saan maaring hindi na sabay-sabay na gawaran ng hatol ng Quezon City Regional Trial Court Branch 221 ang lahat ng akusado kung ang presentasyon ng ebidensya sa bawat isa sa kanila ay natapos na at nadeklara nang submitted for resolution.
Kamakailan lamang, tinapos na ng kampo ni Dating Datu Unsay, Maguindanao Mayor Andal Ampatuan Jr. ang pagprisinta ng ebidensya kaya inaasahang sa susunod na taon ay magkakaroon na ng hatol sa kanya ang mababang hukuman.