MANILA, Philippines — Milagrong nasagip nang buhay ang 14 pa katao mula sa gusali ng 2nd Engineering Office ng Department of Public Works and Highways (DPWH) na natabunan sa landslide dulot ng malalakas na pag-ulan ng bagyong Rosita sa Sitio Hakrang, Brgy. Batawel, Natonin, Ifugao, ayon sa ulat kahapon.
Sa inisyal na ulat, base sa report sa Cordillera Office of Civil Defense (OCD) ni Natonin Councilor Rafael Bulawe, kabilang sa 14 nasagip bandang alas-4:00 ng hapon kamakalawa ay sina Juventino Lammawen at Fritz Lumpanga.
Samantalang, nasa 10 bangkay na ang kabuuang narekober sa landslide area habang patuloy sa pagkukumahog ang mga rescuers sa pag-asang may marerekober pa na buhay sa natabunang gusali ng DPWH.
Nitong Martes, sa pagitan ng alas-4-5 ng hapon ay nangyari ang landslide na tumabon sa tatlong gusali ng DPWH.