MANILA, Philippines — Bunsod ng mga pagbabanta sa kanyang buhay, balak ngayon ni Customs Deputy Collector Ma. Lourdes Mangaoang na magpasailalim sa Witness Protection Program (WPP) ng pamahalaan.
Ayon kay Mangaoang, bago pa man daw niya isinapubliko ang impormasyon na ang apat na magnetic lifters na natagpuan sa isang bodega sa Cavite ay naglaman ng shabu, nakakatanggap na siya ng banta sa kanyang buhay.
Aniya, inaasahan naman na niya na mangyayari ito dahil sa pagnanais niyang ilantad ang katotohanan.
Aminado si Mangaoang na natatakot siya para sa kanyang buhay kaya’t hingi niya ang tulong ng gobyerno dahil sindikato na ang kanyang kalaban.
Nakapagbalangkas na raw siya ngayon ng draft ng kanyang request na mailagay sa ilalim ng WPP pero wala pa siyang oras na ihain ito ng personal.
Umaasa si Mangaoang na mapagbibigyan ang kanyang hiling lalo pa’t nais niya tulungan si Pangulong Duterte na linisin ang bansa laban sa iligal na droga.