MANILA, Philippines — Humigit-kumulang sa 100 libong kasapi ng Jesus Is Lord (JIL) ang dumagsa sa pagdaraos sa Quirino Grandstand ng ika-40 anibersaryo nito kahapon.
Nabatid na nagmula sa iba’t-ibang panig ng Metro Manila at Luzon, Visayas at Mindanao ang nagtungo sa nasabing pagtitipon at maging ang mga kababayang miyembro na nagmula pa sa ibayong dagat.
Nagsimula bago mag-ala 1:00 ng hapon at nagtapos sa fireworks alas 12:00 ng hatinggabi na pangkalahatang naging mapayapa at maayos ang okasyon, ayon kay Manila Police District Dorector Chief Supt. Rolando Anduyan.
Alas 4:00 na ng hapon nang magsalita si JIL Founder/ President Bro. Eddie Villanueva na nagsabing umaasa siya na magkakaroon ng mabubuting tagapayo ang Pangulong Rodrigo Duterte para sa pagpapatakbo ng gobyerno.
Dumalo rin si Senator Joel Villanueva at Senator Sonny Angara sa nasabing okasyon.
Ani Bro. Eddie, sa haba ng taon ng kanilang samahan bilang Christians ay hindi umano sila iniwan ni Hesus at naging patunay naman ang mga naging testimonya ng mga miyembrong nakasalba sa kanilang mga suliraning mabibigat tulad ng ilang cancer survivor.
Mula sanggol hanggang sa mga lolo at lola ay magkakasamang mistulang nagpi-picnic lamang sa Luneta grounds at may mga baong pagkain at inumin habang nakikinig sa programa.
Nabatid na si Villanueva ay unang nominee ng Citizen’s Battle Against Corruption (CIBAC) party list, na nangakong kung makakaupo ay awtomatikong magbibitiw sa posisyon ng JIL.