‘Balimbing’ bawal na
MANILA, Philippines — Ipagbabawal na sa mga pulitiko ang palipat-lipat ng partido o ang pagbalimbing sa nangungunang partido isang taon bago ang idaraos na eleksyon.
Ayon kay Cibac Rep. Sherwin Tugna, chairman ng House Committee on Suffrage and Electoral Reforms, nakabuo na sila ng substitute bill na naglalayong patatagin ang political at electoral system ng bansa.
Paliwanag ni Tugna sa ilalim ng panukala, hindi papayagan na magbago ng political parties ang isang pulitiko matapos ang eleksyon at kapag nasa ikalawang taon ng kanyang panunungkulan mula sa kanyang three term sa sandaling maaprubahan na ang substitute bill na nagbabawal sa turncoatism o pag-balimbing.
Sinabi ni Tugna na layunin ng panukala na samantalahin ng elective officials ang mga biyaya para sa mga miyembro ng ruling party partikular na sa biyaya ng mga proyekto at balewalain na lamang ang prinsipyo at plataporma ng dating partido.
Iginiit pa ng kongresista na ang intensyon ng batas ay para pag-aralan ng mga pulitiko ang ideolohiya ng political party na kanyang pupuntahan.
Nakasaad naman sa panukala na ang sinumang elected officials na lalabag sa panukala ay papatawan ng pagkakasibak sa puwesto at hindi na rin siya papayagan tumakbo sa anumang elective position sa susunod na eleksyon o maitalaga sa anumang posisyon sa gobyerno sa loob ng tatlong taon.
- Latest