MANILA, Philippines — Nanawagan kahapon si Kabayan Partylist at Deputy Majority Leader Rep. Ron Salo sa UN Security Council, European Union at China na iligtas sa lalong madaling panahon ang 12 katao kabilang ang pitong Pinoy na hinostage ng mga armadong pirata sa Nigeria.
“With the abduction of seven Filipino mariners in Africa, now is one time when we need to ask our superpower allies to come to the aid of Filipinos”, pahayag ni Salo.
Kasabay nito, ipinanukala ng mambabatas sa mga kinauukulang ahensya ng pamahalaan na makipagkoordinasyon sa mga kumpanya ng nasabing mga Pinoy seafarers na lulan ng Swiss cargo ship ng bihagin ng mga armadong pirate doon noong nakalipas na linggo.
Dapat ding makipag-ugnayan ang Embahada ng Pilipinas sa bansang Nigeria at iba pang estado na hinihinalang pinagtataguan ng mga pirata.
Ayon sa mambabatas, kailangan humingi ng suporta sa UN Security Council at iba pang mga bansa tulad ng France, Russia, China, United Kingdom at maging sa Estados Unidos.
“These countries undoubtedly have various military and civilian assets on the South Atlantic side of Africa particulary in the Gulf of Guinea,” sabi ni Salo.
Naniniwala siya na ang UN Security Council at ang European Union ang higit na makakatulong upang masagip ang buhay ng mga hostages na seafarers sa Nigeria.
“We could also try to ask China to persuade its contacts in West Africa to help secure the release of all the 12 hostages of pirates”, giit nito.
Maaari ring magpadala ang bansa ng top notch na mga negosyador para makatulong na maresolba ang problema upang mailigtas ang buhay ng mga bihag.