MANILA, Philippines — Isinusulong na sa Kamara ang panukalang magkaroon ng murang kuryente sa bansa.
Ayon kay Deputy Speaker Arthur Yap, layon nito magbigay ng prangkisa sa isang 100% Pinoy corporation na nagsusuplay ng kuryente gamit ang mga mini grids mula sa init ng araw at iba pang renewable energy sources at para mabigyan ng malinis at murang elektrisidad 24 oras ang mga komunidad sa bansa.
Umapela naman si Yap sa ilang grupo sa sektor ng enerhiya na huwag gamitin ang mga probisyon ng lumang Electric Power Industry Reform Act (EPIRA) para mapigilan ang mga bagong kumpanya na magsuplay ng mura at tuluy-tuloy na daloy ng kuryente gamit ang malinis o green technologies.
Paliwanag pa ng kongresista na ang mga ganitong kumpanya ay tugma naman sa plano ng pamahalaang Duterte na “total electrification” sa buong bansa pagdating ng 2022.
Si Yap ang pangunahing may-akda ng panukala na nagbibigay sa Solar Para Sa Bayan Corp. (SPSB) ng “non-exclusive” na prangkisa o franchise para magtayo at magpatakbo ng mga “distributable power technologies and mini-grid systems.”
Siniguro na rin umano ni House committee on legislative franchises ni Palawan Rep. Franz Alvarez na may karampatang mga safeguards sa pagbibigay ng prangkisa sa SPSB para mapangalagaan ang kapakanan ng publiko at ng mga apektadong sektor.
Ilan sa mga probisyon ng bill ay ang pagbabawal sa pagbebenta, renta o transfer ng franchise. Hindi rin eksklusibo ang franchise kaya’t maari pang mabigyan ng franchise ang ibang nagbabalak ng ganitong ring paraan ng pagsusuplay ng kuryente.