MANILA, Philippines — Posibleng bumagsak ng P70.00 hanggang P100.00 ang kada kilo ng bangus kung paki-kinggan lamang umano ni Pangulong Rodrigo Duterte ang apela ng industriya ng bangus.
Sa ipinadalang liham ng Bangus Industry Stakeholders and Dealers Alliance (BISDA), umapela sila kay Pangulong Duterte na bawiin o kanselahin ang Board Resolution No. 540 ng Laguna Lake Development Authority (LLDA) at pakinggan ang rekomendasyon ng ma-liliit na mangingisda sa Rizal at Laguna na ang ikinabubuhay ay ang mga bangus sa Laguna de Bay.
Ang nasabing resolusyon ay ang paggawa ng bagong mapa sa lawa ng Laguna kung saan ang labis na maaapektuhan ay ang mga maliliit na mangingisda na kanilang ikinabubuhay.
Ayon sa BISDA, ang naunang Board Resolution No.518 at No.525 ng LLDA ang naging sanhi ng malawakang pagbagsak ng produksyon ng bangus sa 78 porsyento, base sa datos ng Philippine Statistics Authority, matapos ipatupad ito na sumira at nagpaliit ng pangisdaan na ngayon ay 5,124 hektraya na lamang mula sa lawak na 12,500.
Sinabi ni Atty. Joel Dizon, spokesman ng BISDA, ang dalawang resolusyon ng LLDA ang bumulabog sa normal breeding, stoc-king ng bangus sa nakaraang taon kaya’t nasira ang mga lehitimong fishpen sa lawa ng Laguna at bumagsak ang ani ng maliliit na mangingisda at fishpen operator.
Idinagdag pa ng mga samahan na kung maibabalik ang dating lawak na kanilang pinagtataniman ng bangus fingerlings at hindi sila bubulabugin ng LLDA sa kanilang lehitimong aquaculture farms, ay maibaba nila ang presyo ng bangus para sa hapag-kainan ng mahihirap na Pilipino.