MANILA, Philippines — Walang plano ang gobyerno na magpatupad ng price control sa kabila ng mataas na presyo ng bilihin kabilang ang bigas at iba pang produktong agrikultural.
Ayon kay DTI Usec. Ruth Castelo, baka mas lalong magkaroon ng masamang epekto sa merkado ang pagpapatupad ng price control.
Aniya, sa ilalim ng umiiral na Price Act ay binabantayan lamang ng gobyerno ang presyo at sinisiguro na hindi lalampas sa itinakdang suggested retail price ang mga ibinebenta ng mga manufacturers at distributors sa mga consumers.
Sa halip na magpatupad ng price control ay napagkasunduan ng economic team at Pangulong Duterte na pabahain na lamang ng supply ng bigas, isda, asukal at poultry products ang pamilihan bilang sagot sa mataas na presyo ng bilihin.
Idinagdag pa ng DTI official, nangako naman sa gobyerno ang mga manufacturer ng basic necessities and prime commodities (BNPCs) na hindi sila magtataas ng presyo sa loob ng susunod na 3 buwan.
Magtatayo rin ng mga suking outlets ang DTI na magtitinda ng mga agri products na mas mababa ang presyo ng P20 kumpara sa palengke.
Siniguro rin ng DTI na mayroong sapat na supply ng bigas ang bansa kaya hindi dapat mabahala kahit salantain ng bagyong Ompong ang mga palayan dahil may paparating pa na inangkat na 5 milyong sako ng bigas sa Nobyembre.