Cebu mayor niratrat sa opisina
Habang natutulog
MANILA, Philippines — Pinagbabaril at napatay ang alkalde ng bayan ng Ronda sa lalawigan ng Cebu matapos pasukin ang opisina nito sa munisipyo, kahapon ng madaling araw.
Sa ulat ng Police Regional Office (PRO) 7, apat na gunmen ang pumasok sa mismong tanggapan ni Ronda, Cebu Mayor Mariano Blanco III, 58, bandang 1:30 ng madaling araw habang natutulog ang biktima.
Ayon sa imbestigasyon, lulan ng van ang apat habang dalawa pa ang nagsilbing lookout na inutusan ang mga security escort ng nasabing alkalde na magsidapa.
Kasunod nito ay sunud-sunod na putok ang umalingawngaw saka mabilis na nagsitakas ang mga armadong suspek.
Naisugod pa ang biktima sa ospital pero idineklarang dead on arrival.
Nabatid na simula nang tukuyin ni Pangulong Duterte ang alkalde na nasa drug list ay nagbago ito ng routine kung saan madalas sa kaniyang tanggapan na ito natutulog at hindi na gaanong nag-iikot sa kanilang bayan.
Noong 2010 ay tumakbo muli sa pagka-alkalde si Mayor Blanco sa bayan ng Ronda at muling nagwagi noong 2013 at 2016 sa ilalim ng Liberal Party.
Ang pagpatay kay Blanco ay nangyari pitong buwan matapos namang paslangin si Ronda Vice Mayor Jonah John Ungab ng mga armadong kalalakihan sa labas ng korte sa Cebu City noong Pebrero 2018.
Si Ungab ay legal counsel ng umano’y drug lord na si Kerwin Espinosa.
Patuloy pa ang masusing imbestigasyon ng mga awtoridad sa kasong ito.
- Latest