MANILA, Philippines – Sinuguro ng Palasyo ngayong Lunes na gagawin nila ang lahat para hindi na mauulit ang “misencounter” sa Samar.
Sinabi ni Presidential Spokesperson Harry Roque na inutos ni Pangulong Rodrigo Duterte na ituloy ang imbestigasyon tungkol sa nangyaring barilan sa pagitan ng pulis at sundalo.
“Tuloy pa rin po ang imbestigasyon dahil ayaw natin na maulit ito,” wika ni Roque.
Tiniyak naman ni Duterte na tutugunan ng gobyerno ang mga pangangailangan ng pamilya ng mga nasawi.
Anim ang namatay na pulis at siyam naman ang sugatan matapos ang engkwentro ng Philippine National Police (PNP) at Armed Forces of the Philippines (AFP).
Ito ay dahil sa pagtugis ng dalawang kampo sa mga rebelde ng New People’s Army na namataan sa nasabing lugar.
Ayon sa mga ulat, kakulangan ng koordinasyon sa pagitan ng dalawang kampo ang naging sanhi ng insidente.
Nagsisihan naman ang PNP at AFP sa naturang trahedya. Sinabi ng PNP na maaaring ambush ang naganap habang pamamaril naman ng kapulisan ang sinabi ng AFP.
Inako naman ng pangulo ang buong resposibilidad sa nangyaring misencounter upang matigil na ang sisihan sa pagitan ng dalawang grupo.