MANILA, Philippines — Umakyat kahapon ang presyo ng liquefied petroleum gas (LPG) ng kumpanyang Petron Corporation at Pilipinas Shell habang napipinto naman ang panibagong pagtaas sa presyo ng iba pang produktong petrolyo sa linggong ito.
Epektibo alas-12:01 kahapon ng madaling-araw, nagtaas ng P.90 sentimos kada kilo ng LPG ang Petron habang P.50 sentimos kada litro naman ang iniakyat ng kanilang Auto LPG.
Sa anunsyo naman ng Shell, nasa P.91 sentimos kada kilo ang itinaas ng kanilang produktong Solane epektibo alas-6 ng umaga.
Matapos naman ang magkasunod na bawas-presyo, muling sisirit ang halaga ng mga produktong petrolyo na inaasahang maipatutupad ngayong Martes.
Tinatayang maglalaro mula P.50-P.60 sentimos kada litro ang itataas ng gasolina, diesel at kerosene. Magbabago pa ito depende sa ‘cut-off’ sa halaga nito sa nakalipas na linggo.
Umabot sa P2.40 kada litro sa diesel at P2.90 ang natapyas sa presyo ng gasolina sa magkakasunod na oil price rollback na mahihinto ngayong linggo.
Ayon kay Eastern Petroleum Chairman Fernando Martinez, ito ay dahil sa problemang politikal na nararanasan ngayon sa Libya at Venezuela, ban sa ‘oil export’ ng Iranian oil at mababang imbentaryo sa Estados Unidos.
Ngunit naniniwala ang mga oil experts na muling magiging maayos ang presyo ng langis sa internasyunal na merkado sa inaasahang pagtataas ng produksyon ng Saudi Arabia at Russia at gumagandang relasyon ni US President Donald Trump at Russian President Vladimir Putin.