MANILA, Philippines — Umusad na ang kasong libel na isinampa ni Sen. Antonio Trillanes laban kay Rey Joseph “RJ” Nieto, ang blogger na nasa likod ng Facebook page na Thinking Pinoy.
Ayon sa tanggapan ni Trillanes, inilabas na ng Pasay City Prosecutor’s Office ang resolusyon na nagrerekomenda sa pagsasampa ng kasong libel sa ilalim ng Republic Act No. 10175 o ang Cybercrime Prevention Act of 2012 laban kay RJ Nieto dahil sa kanyang “false and baseless defamatory imputation against complainant (Trillanes).”
Noong 2017 inilathala ni Nieto sa kanyang Thinking Pinoy Facebook page ang mapanirang pahayag laban kay Trillanes kung saan umabot sa 62,000 ang nagpahayag ng reaksiyon at 15,759 shares.
Sinabi ni Nieto na tinawag umano ni US President Donald Trump na drug lord si Trillanes.
Ayon sa resolusyon, malisyoso umano ang nasabing istorya ni Nieto laban sa senador.
Nakasaad din sa resolusyon na bagaman at hindi dapat maging “onion-skinned” o balat sibuyas ang mga opisyal ng gobyerno, hindi naman ito dapat maging excuse para maglathala ng walang basehang istorya ang sinuman.
Sinabi ni Trillanes na dapat magsilbing babala kay Nieto at iba pang bloggers na nagtatanggol kay Pangulong Duterte ang pagkakalat ng mga propaganda.