MANILA, Philippines – Sinuportahan ng Malacañang ang pagtutol ng Department of Education (DepEd) sa panukala ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) na magpatupad ng “mandatory drug testing” sa mga mag-aaral mula ikaapat hanggang ika-12 na baitang.
Sinabi ni Presidential Spokesperson. Harry Roque Jr. ngayong Lunes na sang-ayon ang Malacañang sa pahayag ni Sec. Leonor Briones ng DepEd na ilegal ang pagkakaroon ng drug testing sa mga mag-aaral sa elementarya.
“Nagsalita na po si Secretary Briones, ang Dangerous Drugs Act daw po ay ipinagbabawalang drug testing sa elementarya,” pahayag ni Roque.
Inihalintulad daw ni Briones ang sitwasyon na ito sa Estados Unidos kung saan ang mga mag-aaral sa high school lamang ang maaring isailalim sa drug testing.
“Pupuwede lang tayong magkaroon ng drug testing po sa high school,” saad ni Roque.
Tulad ni Sen Francis “Kiko” Pangilinan, ilang senador na rin ang tumanggi sa panukala ng PDEA. Kabilang na rito ay sina Senator Aquino Pimentel at Senator JV Ejercito Estrada.
“That is pointless because what is the use of the test result? If positive then what?” pahayag ni Pimentel.
“Grade Four might be too young to conduct mandatory drug testing. Another consideration will be the cost as it is quite expensive to have a drug test, just imagine how many billions needed if kids from Grade Four onwards are to have mandatory drug testing,” pahayag ni Estrada
Wala pang desisyon ang Korte Suprema tungkol sa panukala ng PDEA.