MANILA, Philippines — Inihain na ng Makabayan bloc sa Kamara ang panukalang batas na magtatakda ng P750 national minimum wage para sa lahat ng manggagawa sa pribadong sektor.
Kasama rin ng Makabayan bloc na naghain ng House Bill 7787 ang mga lider ng Kilusang Mayo Uno (KMU), Kilusang Magbubukid ng Pilipinas (KMP) at Kilos ng Manggagawa.
Sa ilalim ng nasabing panukala, ipinabubuwag na rin ang Regonal Tripartite Wages and Productivity Boards na sa ngayon ay responsable sa pag-apruba ng wage increase sa bawat rehiyon.
Itinatakda na din dito na pareho na ang magiging minimum wage sa lahat ng rehiyon sa bansa.
Ito ay dahil hindi na umano uubra ang pagtatakda nito depende sa uri ng pamumuhay sa bawat lugar dahil sa ngayon ay pare-pareho na ang taas ng presyo ng bilihin at mga sebisyo.
Sa Metro Manila, P512 ang minimum wage subalit maging ito ay hindi na umano sapat lalo na sa gitna ng epekto ng Tax Reform for Acceleration and Inclusion (TRAIN ) law.
Dahil dito kaya nanawagan ang Makabayan kay Pangulong Duterte na pakilusin ang kongreso para bigyang prayoridad ang nasabing panukala.
Iginiit din ng grupo ang agarang pagpapawalang saysay ng mga probisyon ng TRAIN Law na ugat ng pagtaas ng presyo ng mga bilihin ngayon.