MANILA, Philippines — Sisimulan na ng Magnificent 7 ang pangungumbinsi sa mga kasamahang kongresista para suportahan ang kanilang impeachment complaint laban sa walong mahistrado ng Korte Suprema na bumoto sa quo warranto petition ni dating chief Justice Maria Lourdes Sereno.
Ayon kay Albay Rep. Edcel Lagman, sa susunod na buwan ay sisimulan na nila ang pangungumbinsi sa mga kasamahang kongresista na suportahan ang ihahaing impeachment complaint sa ikalawang linggo ng Hunyo na lalagdaan ng limang miyembro ng Magnificent 7.
Nilinaw naman ni Lagman na hihintayin pa rin ang pinal na desisyon ng mga mahistrado ng Korte Suprema kung irerekonsidera nila ang desisyon nila sa quo warranto petition laban kay Sereno.
Subalit kung hindi umano irerekonsidera ng walong mahistrado ang quo warranto petition ay ihahain nila ang impeachment complaint na base sa culpable violation of the Constitution.
Iginiit naman ni Caloocan City Rep. Edgar Erice, na wala silang magagawa kundi ihain ang reklamo laban sa walong mahistrado dahil sa minamaliit nila ang Kongreso at ang kapangyarihan ng Judicial and Bar Council (JBC) para magtalaga ng mahistrado at sa iba pang posisyon sa korte.
Sinabi naman ni Magdalo Rep. Gary Alejano na hindi nila dapat isipin ang bilang ng mayorya sa Kamara para ihain ang impeachment complaint dahil ang nais lamang nila ay itama ang proseso at ibalik ang kapangyarihan ng Kongreso.