MANILA, Philippines — Sa kabila ng pagkatig ng Korte Suprema sa quo warranto petition, hindi pa rin moot and academic ang impeachment laban kay Chief Justice Maria Lourdes Sereno.
Ito ang nilinaw kahapon ni House Justice Committee Chairman Reynaldo Umali.
Ayon kay Umali, may pagkakataon pa naman si Sereno na maghain ng motion for reconsideration kaya ang pagkatig sa quo warranto ay hindi masasabi sa ngayon na final and executory na.
Maghihintay na lamang ang Kamara ng pinal na resolusyon ng Korte Suprema kaugnay sa quo warranto decision kay Sereno bago pagbotohan sa plenaryo ang impeachment case ng punong mahistrado.
Ayon kay House Majority Leader Rodolfo Fariñas, ito ay bilang pagrespeto sa co-equal department na nagdesisyon sa legalidad ng appointment ni Sereno.
Paliwanag pa ni Fariñas, hihintayin na lang nila ang resolusyon ng motion for reconsideration o MR na ihahain ng kampo ni Sereno dahil hindi pa naman pinal ang desisyon ng SC dito.
Matapos nito ay saka lamang nila isasalang sa plenaryo ang impeachment case ni Sereno para pagbotohan kung ibabasura o iaakyat pa sa Senado ang reklamo.
Sa ilalim ng Committee on Rules mayroon lamang silang 10-session days mula sa pagkatanggap ng report sa Committee on Justice para i-calendar ito para sa consideration ng Mababang Kapulungan.
Mayroon na lamang umanong 9 session days bago mag-adjourn sine die ang Kongreso.
Sinabi ng kongresista na pagbobotohan nila sa rules committee kung ano ang magiging aksyon sa articles of impeachment.
Sakaling mapagdesisyunan na i-archive na ito kakailanganin pa rin umanong basahin ito sa plenaryo para sa opisyal na hakbang ng buong kapulungan.
Nanawagan naman si Umali sa lahat na respetuhin ang desisyon ng Korte Suprema dahil ang mga mahistrado ang may power, kaalaman at kapangyarihan para hatulan ang quo warranto petition.