MANILA, Philippines — Nagpasya na ang Bitag Media Unlimited Inc. na isoli na lamang ang P60 milyong ibinayad ng Department of Tourism para sa kanilang TV advertisement.
Ito naman ang idiniin ni Atty. Ferdinand Topacio, abogado at tagapagsalita ng Tulfo brothers.
Nalagay sa kontrobersiya ang nasabing TV ads ng DOT sa PTV-4 dahil kapatid ni Tourism Secretary Wanda Teo ang may ari ng Bitag na si Ben Tulfo.
Nabatid na lumabas din ang advertisement sa programa ng magkakapatid na Tulfo sa programang ‘Kilos Pronto’.
Una nang sinabi ni Teo na wala siyang nakikitang conflict of interest sa nasabing isyu dahil wala siyang alam sa usapan ng PTV 4 at DOT.
Desisyon umano ng PTV4 na ilagay ang ads sa programa ng kanyang kapatid dahil mataas umano ang ratings. Ang nasabing programa na nasa ilalim ng produksiyon ng Bitag Media Unlimited Inc. ay block timer sa nasabing PTV 4.
Sinabi pa ni Topacio na gagawan umano ng paraan ni Erwin Tulfo na maibalik ang P60 milyon kahit nagastos na.
Dagdag pa ni Topacio, magbibitiw na rin sa puwesto si Tourism Infrastructure and Enterprise Zone Authority (TIEZA) Director Roberto Teo na asawa ni Wanda.
Gayunman nilinaw nito na si Roberto ay appointed ni dating Pangulong Benigno Aquino. Matagal na aniyang naghain ito ng resignation subalit hindi inaaksiyunan ng Pangulo.
Related video: