MANILA, Philippines — Makikita na ngayon ng publiko ang mga delikadong lugar sa buong bansa na delikado sa mga kalamidad sa pamamagitan ng pag-access sa hazard maps ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology (Phivolcs).
Mas mainam din itong tingnan muna ng mga nagnanais na magpatayo ng bahay sa isang lugar upang makaiwas na ang itatayong bahay ay nasa fault line, binabaha, madalas daanan ng bagyo at iba pang kalamidad.
Ayon sa Phivolcs, ang hazard map ay maaaring mai-download online sa ?gisweb.phivolcs.dost.gov.ph/hazardmap. Makikita rin sa hazard maps ang lugar na delikado sa tsunami, volcanic hazards, lahar hazard, earthquake-induced landslide at iba pa.
Sa sandaling puntahan ang link, lalabas ang mga rehiyon na pagpipilian ng gustong maka-access at makapag-download ng hazard map.
Ayon sa Phivolcs, malaking tulong sa publiko ang hazard map hindi lamang para sa pagtatayo ng bahay kundi para gamiting basehan sa disaster awareness, prevention, mitigation, preparedness at response plans ng lokal na pamahalaan.
Sinasabing dahil hindi na prayoridad ng iba ang pagtingin sa hazard map, ilang mamamayan ang nakabili ng lupa at nagtayo ng bahay sa ilalim ng faultline kayat nilisan nila ito para hindi madisgrasya at nasayang lamang.