Pulis na nasa droga, kidnap for ransom inaabangan na ni Bato sa Bilibid

“Kayong mga pulis na nasa droga, nasa kidnap for ransom, at kung anu-anong krimen, pagdating niyo sa Bilibid, ang makakasalubong ninyo, si Gen. dela Rosa,” mensahe ni Pangulong Duterte sa ginawang turn over ceremony sa liderato ng Philippine National Police sa Camp Crame.
KJ Rosales

MANILA, Philippines — Nagbabala kahapon si Pangulong Duterte sa mga pulis na sangkot sa droga, kidnap for ransom at iba pang drug group na siguradong pagdating nila sa Bilibid ay si retired PNP chief Ronald dela Rosa ang sasalubong sa kanila.

“Kayong mga pulis na nasa droga, nasa kidnap for ransom, at kung anu-anong krimen, pagdating niyo sa Bilibid, ang makakasalubong ninyo, si Gen. dela Rosa,” mensahe ni Pangulong Duterte sa ginawang turn over ceremony sa liderato ng Philippine National Police sa Camp Crame.

“You just do your duty, wala kayong problema sa akin. And I will take care of you, protect you and defend you,” wika pa ng Pangulo.

Pinasalamatan din nito si dela Rosa sa ginawa nitong reporma sa pulisya sa ilalim ng kanyang pamumuno.

Tiwala rin si Duterte sa bagong PNP chief na si Oscar Albayalde na makakamit nito ang layunin ng gobyerno na peace and order.

Ipinaalala ng Pangulo sa bagong PNP chief na wala itong dapat tanawin na utang na loob kahit kanino sa kanyang naging puwesto.

“Sir, do not owe anybody anything for what you have achieved in your life. It’s your credentials,” dagdag pa ni Pangulong Duterte.

“I said I will put on stake my life, honor and presidency. This fight of destroying drugs and the organized crime will continue until my last day in office,” giit pa ng Chief Executive.

Sa pagreretiro ni dela Rosa sa PNP ay pamumunuan naman nito ang Bureau of Corrections (BuCor).

Show comments