Bam sa kabataan: Tumakbo sa SK, pagsilbihan ang bayan
MANILA, Philippines – Hinimok ni Senador Bam Aquino ang kabataan na tumakbo sa Sangguniang Kabataan (SK) election sa darating na Mayo 14.
“Hinihikayat natin ang mga kabataan na nais maglingkod sa kapwa at sa bayan na tumakbo sa ilalim ng bago at pinalakas na SK,” pahayag ni Aquino na isinulong ang pagpasa ng Republic Act 10742 o SK Reform Act bilang co-sponsor at co-author noong 16th Congress.
“Ito na ang pagkakataon ng kabataan para magserbisyo at solusyunan ang mga problema ng komunidad,” dagdag ng senador na dating chairman ng Committee on Youth.
Nagsimula na ang Commission on Elections na tumanggap ng certificate of candidacy nitong Abril 14 at magtatapos ito bukas, Abril 20.
Sa RA 10742 ay itinaas ang edad ng SK officials patungong 18 hanggang 24 taong gulang upang maging legal ang pagpasok nila sa mga kontrata at mapapanagot sa kanilang aksiyon.
Itinatakda rin ng SK Reform Act ang pagtatatag ng Local Youth Development Council (LYDC), na siyang tutulong sa mga pinuno ng SK sa pagbalangkas ng mga programa’t proyekto para sa mga kabataan at titiyak sa paglahok ng mas maraming grupo ng mga kabataan.
Ang LYDC ay binubuo ng mga kinatawan mula sa iba’t ibang mga youth organization sa komunidad, student councils, church at youth-faith groups, youth-serving organizations at community-based youth groups.
Ang SK Reform Act din ang kauna-unahang batas sa bansa na mayroong probisyon laban sa political dynasty. Pinagbabawalan nito na tumakbo sa SK ang mga mayroong kamag-anak na elected officials hanggang sa 2nd civil degree ng consanguinity o affinity.
- Latest