MANILA, Philippines — Lagot sa Department of Interior and Local Government (DILG) ang mga barangay official na nakakasakop sa dalawang magkahiwalay na shabu at ecstasy laboratory na ni-raid at nalansag ng pamunuan ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) sa Batangas at Malabon City kamakailan.
Ayon kay DILG Undersecretary for Barangay Affairs, Martin Diño, iimbestigahan niya ang mga nakakasakop na barangay official sa magkahiwalay na shabu lab kung sangkot ang mga ito o kung may report sila hinggil sa natuklasang pagawaan ng droga.
Sinabi ni Diño, ang mga barangay official ang siyang ‘front runner’ ng gobyerno at dapat ay alam ang lahat ng kaganapan sa kanilang nasasakupan.
Aniya, imposibleng walang alam ang mga ito sa kani-kanilang mga nasasakupan kaya nagsasagawa na siya ng masusing imbestigasyon.
“Hindi po tayo papayag sa palusot na hindi nila alam ang mga kaganapan sa kanilang nasasakupan, kaya nga sila nandiyan para mangalaga ng kaayusan at katamihikan sa kani-kanilang nasasakupan at dapat ay alam lahat nila ang nagaganap, puwera na kung sila ay ‘patong’ kaya nagbubulag-bulagan” ani Diño.
Inihayag pa ni Diño na dapat ang mga barangay official ang siyang ‘top of the situation’ sa kani-kanilang lugar kaya nagpapa-submit ang DILG ng mga listahan ng mga taong sangkot sa bawal na gamot.
Iginiit ni Diño, sorry na lang sa mga opisyal na matutukoy na sangkot o patong sa bawal na gamot dahil sinsero ang gobyerno na ‘tuldukan’ ang drug menace sa bansa.