MANILA, Philippines — Inilarga na kahapon ng pinagsanib na puwersa ng Philippine National Police (PNP) at Armed Forces of the Philippines (AFP) ang checkpoints sa iba’t ibang lugar sa bansa kaugnay ng pagdaraos ng Barangay at Sangguniang Kabataan (SK) elections.
Ayon kina PNP Spokesman Chief Supt. John Bulalacao at AFP Spokesman Brig. Gen. Bienvenido Datuin Jr., inilatag ang mga checkpoints partikular sa 5,744 barangays na isinailalim sa watch list o election hotspots upang maiwasan ang pagdanak ng dugo.
Pangunahing ipatutupad sa ‘election period’ ang pagbabawal ng pagdadala ng baril kahit na may dokumento ito habang kanselado rin ang ‘permit to carry outside residence’ ng mga lehitimong gun owners.
Tatagal ang election period mula Abril 14 hanggang ?Mayo 21.
Samantala patuloy din ang mahigpit na kampanya laban sa loose firearms o mga baril na walang lisensya.
Tanging exempted o maari lamang magdala ng mga armas alinsunod sa kautusan ng Comelec ay ang security forces na nakasuot ng kumpletong uniporme at naka-duty.
Sa kasalukuyan, dalawa na ang naitalang nasakote sa paglabag sa gun ban, isa ay ang security guard na nahulihan ng baril sa isang KTV bar sa Cadiz City, Negros Occidental at isang negosyante sa Guiguinto, Bulacan.
“Dapat may patrol car, marked vehicles. They should observe the plain view doctrine. They should not be requiring our people to open their compartments of their vehicles,” ani Bulalacao kung saan ay tinagubilinan na ng PNP ang mga pulis na sundin ang protocol sa pagpapatupad ng checkpoints.
Ipinaalala naman ng Comelec na dapat may sapat na ilaw sa mga itatatag na checkpoints, may malaking placard na nakasaad na “COMELEC Checkpoint,” nakasulat ang pangalan ng Election Office at Station Commander, nasa maayos na uniporme ang mga pulis, at magagalang sa mga motorista.
Nilinaw din ng ahensya na dapat ay ‘plain view o visual search’ lamang ang isagawa ng mga pulis sa mga motorista na paparahin.
Sinabi naman ni Datuin na maigting na koordinasyon ang isinagawa ng AFP sa PNP at Comelec para matiyak na maipatutupad ang tapat, maayos at mapayapang Barangay at Sangguniang Kabataan elections.
Idinagdag pa nito na partikular na minomonitor at mahigpit na binabantayan ang mga lungsod at munisipalidad na mataas ang insidente ng karahasan.
Una nang sinabi ni NCRPO chief, P/Director Oscar Albayalde na nasa 15,000 pulis ang ikakalat nila sa 730 polling precincts sa Metro Manila partikular na sa 53 tukoy na ‘critical areas’ lalo na sa mga lungsod ng Taguig, Caloocan at Navotas City.