Digong tutol sa divorce!
Makasisira sa pundasyon ng pamilya
Mariing inihayag kahapon ng Malacañang na tutol si Pangulong Rodrigo Duterte sa divorce bill na pumasa sa komite ng Mababang Kapulungan ng Kongreso.
Ayon kay Presidential Spokesman Harry Roque sa media briefing sa Camarines Sur Polytechnic College kahapon, ayaw sanang magbigay nang pahayag si Pangulong Duterte sa isyu ng divorce pero dahil natapos na naman ang botohan sa Kamara kung saan ay pumasa na ito sa ikalawang pagbasa ay nais ipabatid ng Punong Ehekutibo ang kanyang pagtutol sa nasabing panukalang batas.
Wika ni Roque, ang inaalala ni Pangulong Duterte kapag nagkaroon ng diborsyo sa Pilipinas ay ang mga bata gayundin ang maapektuhang mga maybahay.
“President Duterte is against divorce. Makakasira ito sa pundasyon ng pamilya. Kawawa ‘yong mga anak kapag nagkaroon ng divorce,” dagdag pa ni Roque.
Isa pa, ayon kay Sec. Roque, paano pa makakapaghabol at makakapag-demanda ang mga maybahay laban sa kanilang mga mister na nagpabaya kung magkakaroon ng divorce sa bansa kaya tutol dito ang Pangulo.
Magugunita na nakalusot sa ikalawang pagbasa ng komite sa Kamara ang divorce bill na akda ni Albay Rep. Edcel Lagman at inaasahang makakapasa rin ito sa Senado.
“The Philippines remains as one of only 2 states in the world, besides the Vatican, where divorce is outlawed. Annulments are legal, but the process could take years and cost at least P250,000,” giit ni Rep. Lagman.
Matapos na marinig ang pagkontra ng Pangulo sa panukalang diborsyo, agad na hinikayat ni House Senior Deputy Minority Leader at Buhay Party-list Rep. Lito Atienza ang mga kasamahang kongresista na huwag nang aprubahan ang “absolute divorce and dissolution of marriage bill”.
Ayon kay Atienza, ngayong nabasa na ng mga kongresista ang nasa isip ng Pangulo ay huwag nang ituloy ag nakatakdang botohan sa plenaryo para sa divorce bill sa ikatlo at huling pagbasa ngayong linggo bago mag lenten break ang kongreso. Giit nito, kahit aprubahan ito sa Mababang Kapulungan ay hindi rin pipirmahan ng Presidente ang divorce bill. Aniya, makapal na ang mukha ng mga kongresista kung ipipilit pa rin nila ang pag-apruba sa divorce bill.
Ikinatuwa ni Atienza na siyang nangunguna sa pagtutol sa diborsyo sa bansa na ipinakita ng Pangulo ang pagiging isang lider at paggawa ng tama kahit pa napaka-popular ngayon ang pagsusulong ng diborsyo sa Pilipinas.
- Latest