Kapalit ni Espinosa
MANILA, Philippines — Nadismaya umano si Pangulong Duterte kaya kinompronta nito si Justice Sec. Vitaliano Aguirre kaugnay sa pagkakaabsuwelto nina Peter Lim, Peter Co at Kerwin Espinosa sa kasong iligal na droga.
Sinabi ni Presidential Spokesman Harry Roque, dismayado umano ang Pangulo sa kinalabasan ng kaso laban kina Lim at Espinosa at ilan pang akusado na pinawalang-sala ng prosekusyon ng DOJ dahil sa mahina raw ang ebidensiya ng PNP-Criminal Investigation and Detection Group.
“Kapag nakawala ‘yan si Lim at Espinosa, siya ang ipapalit ko. I can review that dismissal order,” pahayag umano ni Duterte kay Aguirre sa ginanap na AFP-PNP command conference sa Malacañang kamakalawa ng gabi.
“Nag-amin na nga sa Congress! Why not admit it as evidence against him?” dagdag pa umano ng Pangulo kay Aguirre.
“I will invoke my power of supervision and control and will review dismissal,” sabi pa ni Pangulong Duterte kaugnay sa naging aksyon ng DOJ prosecution panel sa mga suspected drug lords na sina Espinosa at Lim.
Magugunita na inamin mismo ni Espinosa sa pagdinig ng Senado ang pagkakasangkot nito sa pamamahagi ng droga sa ilang lalawigan.
Hindi umano naisama sa mga isinumiteng ebidensiya ang pag-amin ni Espinosa kaya umano mahina ang kaso at ibinasura ng National Prosecution Service.
Bumuo na si Aguirre ng three-man panel of prosecutors na inatasang repasuhin ang naunang desisyon na pawalang-sala sina Lim at Espinosa.
Muling nilinaw ni Aguirre na hindi pa ligtas ang mga akusado dahil mayroon nang naka-file noon pang Pebrero na motion for reconsideration. Magkakaroon din ng automatic review sa kaso.
Nauna nang sinabi ng Malacañang na hindi pa pinal ang inilabas na resolusyon ng piskalya ng DOJ tungkol sa kaso nina Lim, Espinosa at iba pa.
Ikinagulat ng publiko ang pagbasura sa kaso sa kabila ng pag-amin sa Senate hearing noong 2016 ni Espinosa na kabilang siya sa mga supplier ng illegal drugs sa Visayas.