MANILA, Philippines — Sakaling dumating sa bansa si United Nations (UN) Special Rapporteur Agnes Callamard, iimbitahan ito ng gobyerno na mag-swimming sa Pasig River.
Ito ang sinabi kahapon ni Presidential Spokesperson Harry Roque matapos matanong kung ano ang gagawin ng gobyerno sakaling dumating si Callamard sa bansa bilang turista pero mag-iimbestiga rin sa sinasabing nangyaring patayan dahil sa droga.
“Pag pumasok siya eh aanyayahan po namin siyang lumangoy sa malamig na tubig ng Pasig River,” ani Roque.
Sinabi rin ni Roque na nakapasok na si Callamard sa Pilipinas kahit pa hindi iniimbitahan.
“Nakapasok na nga iyan ng Pilipinas ng hindi ininvite eh. Welcome po siya dahil after all, we welcome all tourists. Kaya lang ang masama doon, huwag niya palabasin na nag-imbestiga siya,” pahayag ni Roque.
Nauna rito, sinabi ni Roque na welcome sa Pilipinas na magpadala ng imbestigador ang United Nations basta hindi lamang si Callamard.
Dapat aniya ay isang special rapporteur ang ipadala sa Pilipinas na mataas ang kredibilidad at hindi rin biased.
Nauna na ring sinabi ni Roque na handa namang makipagtulugan ang gobyerno sa ipapadalang imbestigador sa bansa.