MANILA, Philippines — Lusot na sa ikatlo at huling pagbasa sa Kamara ang panukalang “Anti-Hazing Act” na nagdedeklara bilang krimen ang hazing.
Naging unanimous ang resulta ng botohan sa House Bill 6573 na nagbabawal sa hazing o anumang uri ng initiation rites ng fraternities, sororities at iba pang organisasyon at nagtatakda ng kaparusahan sa lalabag dito.
Aamyendahan ng panukala ang Republic Act 8049 na nagre-regulate lang sa hazing sa initiation rites sa fraternities, sororities at iba pang organisasyon.
Sakop din ng panukala ang mga community based-organization na nagsasagawa rin ng hazing at initiation rites na maaring makapagdulot ng physical at psychological na pananakit, mental stress o ang pinakamalala ay makapatay sa isang neophyte member.
Sa kabilang banda, pinapayagan naman sa ilalim ng panukala ang mga initiation rites na hindi naman makakapagdulot ng physical o psychological injury sa recruit na miyembro subalit kailangang bantayan at isasagawa ito sa ilalim ng mahigpit na regulasyon ng mga otoridad.
Habang ang pinuno ng isang paaralan ay magtatalaga ng dalawang kinatawan mula sa eskwelahan na siyang sasaksi sa initiation rites at sisiguro na walang hazing na gagawin.
Sa sandaling maisabatas ang anti-hazing act, ay mahaharap sa 20 taon at isang araw na pagkakabilanggo o habambuhay at P1 milyon multa kung magreresulta sa kamatayan, pagpapakamatay, rape at mutilation sa mga biktima.