MANILA, Philippines — Pinaiimbestigahan na ng Department of Justice (DOJ) sa National Bureau of Investigation (NBI) ang Rappler upang alamin ang posibleng kriminal na pananagutan ng online news site sa kasong kanilang kinakaharap.
Sa isang pahinang Department Order No. 017 na may petsang January 17, 2018, inatasan ni DOJ Secretary Vitaliano Aguirre II ang NBI para magsagawa ng case build-up at kung may sapat na ebidensya ay maghain ng kaukulang kaso laban sa mga nakagawa ng paglabag.
Pinagsusumite rin ng kalihim ang NBI ng ulat sa kanyang tanggapan kaugnay ng ginagawa nitong imbestigasyon.
Ang pagsisiyasat ay ikinasa matapos na bawian ng Securities and Exchange Commission (SEC) ang Rappler ng certificate of incorporation dahil sa pagtanggap nito ng pondo mula sa Omidyar Network, isang investment firm na itinayo ng eBay founder na si Pierre Omidyar at may tanggapan sa Estados Unidos, India, South Africa, United Kingdom at Singapore.
Sa ilalim kasi ng 1987 Constitution, ang mass media ay kinakailangang 100-percent o buong pagmamay-ari at pinangangasiwaan ng mga Pilipino.