MANILA, Philippines — Maghihintay pa ng taong 2020 ang mga guro para mabalangkas ng Department of Budget and Management (DBM) ang magiging salary increase ng mga ito.
Sinabi ni DBM Sec. Benjamin Dioknio, kailangang ipatupad muna nila ang Salary Standardization Law (SSL) na inaprubahan ng Kongreso bago sila makapagbalangkas ng bagong salary increase sa mga guro sa pampublikong paaralan sa buong bansa.
Ayon kay Diokno, hindi sila pwedeng mag-overspending sa halagang inaprubahan lamang ng Kongreso na nakasaad sa SSL.
Paliwanag pa ni Diokno, may apat na yugto ang SSL at nasa ikatlong yugto pa lamang sa taong ito kaya may natitira pang isang taon ng pagpapatupad nito hanggang 2019.
Kung tutuusin anya sa ilalim ng SSL ay may salary increase ng ipagkakaloob sa mga guro bukod pa ito sa karagdagang take home pay nila dahil sa Tax Reform Acceleration and Inclusion Law (TRAIN).
Ayon kay Diokno, magko-komisyon ang DBM ng isang independent firm para pag-aralan kung magkanong halaga ang dapat itaas sa sweldo ng mga guro at iba pang government personnel upang hindi naman sila malayo sa tinatanggap na sweldo ng mga doctor, nurse, abogado at iba pa.
Sa kasalukuyan, nakakapag-uuwi ang isang public school teacher 1 sa entry level ng buwanang sweldo na P20,179 sa ilalim ng salary grade 11 ng ikatlong yugto ng SSL, habang ang kaniyang taunang bonus at allowances ay may kabuuang 74,358.