MANILA, Philippines — Muling pinayagan na makalabas sa kanyang detensiyon sa Senado si dating Bureau of Customs (BOC) chief Nicanor Faeldon.
Nagtungo kahapon sa Camp Aguinaldo si Faeldon kung saan personal siyang nanumpa sa harap ni Defense Secretary Delfin Lorenzana bilang deputy administrator III sa Office of Civil Defense (OCD).
Nag-request si Faeldon na makalabas ng Senado mula alas-7 hanggang alas-9 ng umaga kung saan pinayagan siya hanggang alas-9:30 ng umaga.
Ayon kay Senate Sergeant-At-Arms Jose Balajadia Jr., agad din namang ibabalik si Faeldon sa Senado matapos ang panunumpa.
Ang pansamantalang paglaya ni Faeldon kahapon ay base na rin sa kautusan ni Senator Richard Gordon, chairman ng Senate Blue Ribbon Committee na nagpataw ng contempt sa dating opisyal ng BoC.
Ikinulong sa Senado si Faeldon dahil sa pagmamatigas nitong huwag humarap sa komite ni Gordon na nag-imbestiga sa P6.4 bilyong halaga ng shabu shipment na nakapasok sa bansa mula sa China.
Noong nakaraang Biyernes ay pinagbigyan din ng komite ni Gordon ang kahilingan ni Faeldon na makalabas upang makita ang bagong silang na bunsong anak.
Sinabi ni Balajadia na noong Linggo ng umaga bumalik si Faeldon sa Senado na muli ring pinayagan na pansamantalang lumabas kahapon.