MANILA, Philippines - Natutuwa si Sen. Bam Aquino sa pangako ng Senado na ipapasa ang apat na panukalang batas na tututok sa kapakanan ng mga estudyanteng Pilipino at scientists at magpapalakas sa suporta sa pagsasaliksik at start-ups.
“Masaya tayo sa suportang ipinapakita ng Senado sa mga panukalang naglalayong palakasin ang suporta sa ating mga estudyante, negosyante at scientist,” wika ni Sen. Bam, chairman ng Committee on Science and Technology.
“Nagpapasalamat din tayo sa mga kapwa ko senador na tumutulong na lalo pang mapagbuti at mapaganda ang mga panukalang ito para sa kapakinabangan ng maraming Pilipino,” dagdag pa niya.
Nakatakdang ipasa ng Senado ang ilang panukalang batas ngayong taon, kabilang ang Innovative Startup Act, Magna Carta for Scientists Act, Balik Scientist Bill and the Pagkaing Pinoy Para sa Batang Pinoy Act. Si Sen. Bam ang principal sponsor ng nasabing apat na panukala.
Ang Innovative Startup Act, Magna Carta for Scientists Act and the Pagkaing Pinoy Para sa Batang Pinoy Act ay dadaan sa period of amendments ngayong linggo.
Layon ng Pagkaing Pinoy para sa Batang Pinoy Act na magtatag ng isang feeding program para mabigyan ng tama at masustansiyang pagkain ang mga estudyante mula kindergarten hanggang Grade 6. Maliban kay Sen. Bam, ang ibang co-authors ng panukala ay sina Senators Grace Poe, Gringo Honasan, Migz Zubiri, Tito Sotto, Loren Legarda, Cynthia Villar at Joel Villanueva.
Pakay naman ng Innovative Startup Act na bigyan ng karampatang suporta ang business startups upang mabigyan ng pagkakataong makipagsabayan sa merkado.
Layunin naman ng amyenda sa Magna Carta for Scientists na madaliin ang proseso ng pagbibigay ng benepisyo at insentibo sa S&T government personnel. Maliban kay Sen Bam, ang iba pang co-authors ng panukala ay sina Senators Loren Legarda, Sonny Angara, Koko Pimentel, Juan Miguel Zubiri at Sherwin Gatchalian.
Nakapasa sa ikatlo at huling pagbasa at naghihintay na lang ng bicameral conference committee, bibigyan ng Balik Scientist Bill ng benepisyo at insentibo ang overseas Filipino scientist upang mahikayat silang bumalik sa bansa at tumulong sa pagpapalago ng research and development.