MANILA, Philippines — Pinatay sa harap ng kanyang ka-live-in ang 39-anyos na traysikel driver makaraang barilin sa sentido ng isa sa tatlong di-kilalang lalaki sa Malate, Maynila, kahapon ng madaling araw.
Dead-on-the-spot ang biktimang si Eleros Nodado, miyembro ng Sputnik Gang at residente ng 2458-P. Camachile Street, Singalong sa Malate.
Animo’y walang naganap na pamamaril makaraang tumakas ang gunmen sakay ng motorsiklo.
Batay sa ulat ni SPO4 Milbert Balinggan ng Manila Police District-Homicide Section, dakong ala-1:10 ng madaling araw ng Sabado nang maganap ang pamamaril sa bisinidad ng P. Ocampo St., malapit sa panulukan ng Taal Street, Malate.
Nabatid na sinundo ng biktima ang kinakasamang si Marilou dela Cruz sa pinapasukang Shell Gas Station at habang papauwi ay hinarang ng mga suspek na magkakaangkas sa motorsiklo at bumaba ang isang armado ng baril at nilapitan ang biktima.
Napasigaw pa ang biktima ng “Ano, ano?” habang hawak ang dibdib nang paputukan siya ng dalawang ulit sa sentido at dalawa pa sa katawan.
Inaalam pa ang pagkakilanlan ng gunmen at ang motibo sa pamamaslang.