MANILA, Philippines — Siniguro ng Malacañang na mananagot at iimbestigahan ang nangyaring pamamaril kamakalawa ng gabi ng mga barangay tanod at pulis sa Mandaluyong City kung saan napatay ang dalawang taong sakay ng napagkamalang “getaway car” ng suspek sa naganap na shooting incident.
Ayon sa ulat, isang Jonalyn Ambaan ang nabaril at nasugatan ng isang LPG delivery man sa Barangay Addition Hills bandang 10:20 kagabi at isinakay sa isang Mitsubishi Adventure ng mga kasamahan para dalhin sa pagamutan.
Pero napagkamalan ng mga barangay tanod na sakay sa nasabing AUV ang suspek sa pamamaril kaya nila ito pinaputukan.
Maging ang mga rumespondeng pulis ay nagpaputok din sa nasabing sasakyan matapos sabihin ng mga barangay tanod na sakay doon ang armadong suspek.
Sinabi ni Presidential Spokesman Harry Roque, lumalabas na sobra ang ginamit na pwersa ng mga police authorities na namaril sa maling mga target.
Ayon kay Sec. Roque, dapat lamang na dinisarmahan na at “restricted” na ang mga sangkot na pulis.
Inihayag ni National Capital Region Police Office (NCRPO) Chief, Police Director Oscar Albayalde na nasa police custody na ang 10 pulis ng Mandaluyong City na sangkot sa pamamaril.
“Matter will be investigated fully even if there appears to be excessive force utilized by police authorities. It’s also proper that policemen involved have been disarmed and their movements restricted,” sabi ni Roque.