Bagyong “Paolo”, nagbabanta sa Baler
MANILA, Philippines — Patuloy na nagbabanta ang severe tropical storm “Paolo” sa Baler.
Sa ipinalabas na weather update ng Philippine Atmospheric Geophysical and Astronomical Services (Pagasa) ng alas-11 ng umaga kahapon, ang sentro ni Paolo ay namataan sa layong 765 kilometro ng silangan ng Guiuan, Eastern Samar taglay ang lakas ng hangin na umaabot sa 90 kilometro bawat oras malapit sa gitna at may pagbugso ng hangin na umaabot sa 115 kilometro bawat oras.
Si Paolo ay kumikilos pahilaga hilagang kanluran sa bilis na 7 kilometro bawat oras.
Bunga nito, si Paolo ay magdadala ng kalat-kalat na mahina hanggang sa katamtamang pag-ulan na posibleng lumakas pa sa buong Bicol region, Visayas at Mindanao. Patuloy na mananatili sa bansa ang bagyo na magdudulot ng mga pag-uulan sa Baler Aurora, Cagayan, Batanes area at inaasahang lalabas ito ng Pilipinas sa Sabado ng gabi o Linggo ng umaga.
Samantala, isa pang low pressure area (LPA) na nasa layong 395 kilometro ng silangan ng Coron, Palawan ang patuloy na sinusubaybayan ng Pagasa. Ito ay magdadala ng kalat-kalat na katamtamang pag-ulan sa buong lalawigan. Samantala, inalerto ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) ang mga opisyal at tauhan nito sa mga rehiyon upang paghandaan ang pagtama ng bagyong Paolo at LPA sa mga maapektuhang lugar sa bansa.
Nagpatawag na ng emergency meeting ang NDRRMC at mga kinauukulang ahensya ng pamahalaan para paghandaan ang epekto ng kalamidad. Ang Emergency Response Meeting ay pinamunuan ni Office of Civil Defense (OCD) Operations Service Director Rodrigo Diapana.
- Latest